Lunes, Oktubre 3, 2016

Wika ng Filipino


Ang wika ng Filipino ay ilaw ng Pilipinas
Liwanag sa pagtahak sa tuwid na landas
Gamitin natin at gawing lakas
At gawin ding pananggol sa darating na bukas.

Ito'y tulad ng punyal na ubod ng talim
Punyal na kumikinang sa gabing madilim
Ang puluhan nito ay utak na magaling
At ang talas nito’y kakaiba kung limiin.

Sa nakaraa’t sa ngayo’y patuloy na hinahasa
Na ang gamit ay kaydaming mga dila
Ang punyal na kaytagal nang ginawang pananda
Ay may bakas na rin ng kalawang at dagta.

Ang punyal na ito ay ang wikang Filipino
Na patuloy na umuunlad sa pag-ikot ng mundo
Ang kapara nito’y matigas na bato
Na ‘pag di ipukol ay di malaman kung ano.

Mula sa isang bibig ay kumalat nang kumalat
Mangyari’y dala-dala ng bapor na laging naglalayag
Ang wikang Filipino’y katulad ng kamandag ng ahas
Na sa isang sarili ay nagpapalakas.

Ang wika sa malayo ay kakaiba sa narito
Iba ang sa kanya, iba rin ang sa iyo
At dahil tayo ay kapwa Pilipino
Yakapin natin ang wikang Filipino.

Ang wikang Filipino ay ilaw ng Pilipinas
Liwanag sa pagtahak sa tuwid na landas
Gamitin natin at gawing lakas
At gawin ding pananggol sa darating na bukas.

Madaling magkaisa kung may pagkakaunawaan
Madaling makakita kung may liwanag na natatanaw
Medaling mananggol kung may lakas na taglay.
Sa lahat ng ito’y wikang Filipino ang daan.

Sa bukas na darating ay ating mamamalas
Ang dating ilaw ngunit bago nang landas
Maaaring paabante, maaaring paatras
Maaaring pababa, maaaring pataas.

Ang wika ng Filipino’y magsisilbing gabay
Sa kayraming taong sa Pilipinas namamahay.
Sa tuwid na landas ay walang mawawalay
Kung tayo’y hawak-kamay sa pag-abot sa tagumpay
WIKANG FILIPINO: KAHAPON, NGAYON, at BUKAS
na isinulat ni Bb. Glorivel H. Glomar

          Ang sanaysay na ito ay tungkol sa ating Lingua Franca, sa salitang Italyano. Mother Language sa salitang Ingles at Wikang Pambansa sa salitang Filipino na kung ano ito noon, sa kasalukuyan at sa hinaharap.
          Maitatanong natin sa ating sarili kung ano ba ang Wikang Pambansa, kung bakit tayo nagkaroon nito, paano at saan nagmula. Ikaw na isang Pilipino, alam mo ba?
          Ayon sa sanaysay, "Maraming pagkakataon na hindi sapat ang simbolo, galaw, kumpas at iba pa upang maipahayag ang tunay na kahulugan ng isang bagay". Sang-ayon ako rito, maaari man natin ipakita ang ating kilos at galaw na nagpapakita sa ating nasyonalismo o patriotism sa ating bansang Pilipinas pero hindi pa rin ito sapat "sa pagkakataong ito, dito pumapasok ang kahalagahan ng wika, ang pangunahing midyum upang maipahayag natin ang ating saloobin at opinyon ayon sa nilalaman ng ating isip at damdamin sa ating kapwa" sa pamamagitan ng wika nakakabuo tayo ng komunikasyon sa ating kapwa Pilipino, at higit pa dito nagkakaintindihan tayong lahat dahil sa Wikang Filipino. Kahit sa dami ng ating dayalekto namumukod tangi pa rin ang Wikang Filipino.
          May iba't iba man tayong wikang kinagisnan, kultura, paniniwala batay sa ating lahing kinabibilangan, meron naman tayong Wikang Pambansa na nagbubuklod sa atin upang magkaisa at magkaintindihan.
          Bilang isang Pilipino, paano mo ipapakita na ipinagmamalaki mo ang ating Wikang Pambansa? Ikaw, ang iyong sarili ang makaksagot niyan. Sa sanaysay na ito, masasabi kong ito ay may malaking punto sa kanyang nais ipabatid sa kanyang mambabasa. Tunay nga naman na mayroong malaking ambag ang wika sa atin kahit pa noon, sa kasalukuyan, lalong-lalo na sa hinaharap. Taas noo natin itong ipagmalaki sa lahat gamit ang paggamit sa sariling wika. Filipino ay sa mga Pilipino!

Martes, Setyembre 27, 2016

Wika at Kultura

Alinmang wika ay ekspresyon, imbakan-hanguan at agusan ng kultura ng isang grupo ng tao, maliit man o malaki, na may sarili at likas na katangian. Wika ang ekspresyong kakikilanlan ng isang kultura, sapagkat ito ang nagbibigay-anyo rito para sa labas, ang siyang nagtatakda ng pagkakaiba at sariling uri nito - ng kanyang pagkakabukod sa ibang kultura: ang kanyang kapagkahan, kung magagamit ang salitang ito, sa daigdig ng mga kaisahang pangkultura.

          Ang ningning ng sariling wika at lalim ng sariling kultura ay nakikita sa salamin ng ibang wika at kultura. Mas marami ang pinaghahanguan, mas tumitingkad ang sariling kabuuang kultural.Ang ibig sabihin dito'y huwag magsalin, halimbawa, ng mga likhang Aleman, Pranses, o Ruso mula sa pagkakasalin ng mga ito sa Ingles. Ang magiging resulta nito'y ang pag-aangkinlamang ng mga pananaw ng pagkawika-at-kulturang "Ingles." Sa ganito'y mawawala sa kapilipinuhan ang kadalisayan ng iba't ibang anyong kultural na nagmumula sa pagkasari-sari ng mga kabuuang kultural sa mundong ibabaw. Dapat ituring ang lahat ng kultura (at hindi iisa o dadalawa lamang) ng buong daigdig na tibagan ng mga kultural na sangkap na magagamit sa sariling pagkakultura. Ang pagpapahalagang ito sa iba't ibang kultura sa pamamagitan ng mapanlikhang pag-aangkin ng mga sangkap na makabubuti sa sarili ay siyang katangian ng isang kulturang may kasarinlan. Ang lahat ay nagpapahiwatig ng makataong pagka-kaugnay-ugnay ng mga kultura, sa kabila ng kakanyahan ng bawat isa.
        Ang nabubuong kaisahang kultural sa Pilipino ay lalong lalago dahil sa mapanlikhang pagkakaugnay nito sa kanyang iba't ibang elementong etniko: (1) ang buong pangkasaysayang karanasan sa Pilipino, ang pangkalahatang pamana ng magkakamag-anak na grupong etnikong Pilipino sa lipunang kanilang nabuo; (2) ang kakanyahang etniko ng bawat isa, na nagpapayaman sa kabuuang kultural; at (3) ang karanasang partikular ng bawat ethnos sa kasaysayan ng Pilipinas.
          Mapalalago ang unang elemento sa inter-aksyon ng isa't isa sa loob ng lipunang ang nagiging tagapamagitan at tagasaklaw na wika ay Pilipino. Ang pakikiugali at pakikisalamuha ng isa't isa sa wikang Pilipino ay nagpapalawak sa pambansang kulturang ipinahihiwatig ng wikang ito. Payayabungin naman ng ikalawa at ikatlong elemento ang hinahangad na kabuuang kultural sa pamamagitan ng mga salin sa Pilipino mula sa mga wikang katutubo sa Pilipinas, kasama na ang mga diyalekto ng Tagalog na napapalayo na sa Pilipinong dati-rati'y batay dito. Lalong mapapadali ang kanilang sariling wika o katutubong diyalekto.
       Ang mga salin ay magiging parang katas na umaakyat mula sa mga ugat ng kapili-pinuhan tungo sa ninanasang kabuuang kultural, sa bago at mas malawak na pagkakulturang ipinapahiwatig ng wikang Pilipino. Hanggat maaari, ipagpaliban na muna ang pagsasalin sa Ingles o sinumang magnanais umangkin ng ilang elemento ng ating pagka-Pilipino. Hindi natin sila dapat tulungan dito, yamang malaki ang kanilang naitutustos sa pagpapayaman ng kanilang sariling kultura. Ang kailangang alagaan ay ang sariling atin , ang pagbuo ng ating kultura.

kabuohan
          Ang wika ay hindi lamang daluyan kundi tagapagpahiwatig at imbakan-kuhanan ng kultura bilang kabuuan ng isip, damdamin, ugali at karanasan ng isang grupo ng tao. Ito'y katotohanang mapapatunayan sa pamamagitan ng mga halimbawa sa buong daigdig.

          Ang halimbawa ng Pilipinas ay may kaibhan. Una, ang lipunang Pilipino ay nasa yugto ng isang matatawag na "pamayanang pambansa" na tumutungo sa isang bagong kabuuang kultural na hinuhubog ng isang estado: ang bansa. Ikalawa, ang minimithing pambansang kultura ay mabubuo lamang kung ang Pilipino bilang tagasaklaw na wika ay magwawagi sa Ingles, isang wikang naging importante bunga ng kolonyal na nakaraan. Ikatlo, ang kakanyahang kultural ng Pilipinas ay nasasalalay sa kanyang pagiging isang bansa.



         May pagkakahawig sa ibang halimbawa ang Pilipinas. Isa na rito ang kahalagahan ng estado , bagamat ito'y naitayo ng lipunang Pilipino upang makamtan ang antas ng pagkabansa , samantalang mayroon nang bansang Aleman bago nagkaroon ng estado. Ang ikalawang pagkakatulad ay sa Pransiya at Alemanya, na kapwa may maliliit na bahaging etnikong magkakamag-anak sa ubod mismo ng bawat kultura. Ang ikatlo ay sa mga kaisahang pulitikal sa Ikatlong Daigdig, na halos lahat ay nakadarama ng isang pangangailangang makabuo ng isang pambansang kultura.

       Anuman ang pagkakaiba o pagkakatulad ng Pilipinas sa ibang kabuuang pulitikal, siya'y resulta ng isang natatanging pangkasay-sayang pagsulong . May maituturing siyang "sariling kultura," subalit ito'y nabubuo pa lamang sa loob ng isang lipunang lumitaw mula sa mga magkakamag-anak na grupong etniko bunga ng kanilang karanasan sa loob ng Imperyong Kastila. Ang Pilipino bilang tagapamagitan at tagasaklaw na wika ang pinakamahalagang elemento sa pagkabuong ito ng kulturang Pilipino.

         Sa Pilipinas, gaya sa iba pang lugar, mahigpit ang pagkakaugnay ng wika at kultura . Anumang pagpapabaya sa Pilipino ay tiyak na magkakaepekto sa pagtatayo ng isang bansang Pilipino , tungkuling iniatas ng lipunan sa estado sapul pa noong itatag ang Republika ng Malolos . Gayunman, ang kasalukuyang problema ay hindi ang kung mabubuo o hindi ang kulturang Pilipino kundi kung kailan at sa anong ritmo at lawak. Ang buong pagpupunyagi ng lipunang Pilipino ay dapat ibuhos dito at ibinu-buhos nga.
ng Republika ng Malolos . Gayunman, ang kasalukuyang problema ay hindi ang kung mabubuo o hindi ang kulturang Pilipino kundi kung kailan at sa anong ritmo at lawak. Ang buong pagpupunyagi ng lipunang Pilipino ay dapat ibuhos dito at ibinu-buhos nga.